Zero umano ang inilaan na pondo para sa pagkuha ng karagdagang mga guro sa 2027, ayon kay Department of Education Secretary Sonny Angara.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa panukalang ₱975.96 bilyong budget ng DepEd nitong Lunes, Setyembre 7, sinabi ni Angara na walang pondong inilaan para sa karagdagang guro sa susunod na taon.
Ito ay matapos usisain ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio kung magkano ang nakalaang pondo para sa hiring ng mga guro sa 2027.
Ayon kay Angara, kabilang sa kanilang wishlist ang pagkuha ng 14,747 guro upang tuluyang matugunan ang kakulangan ng mga public school teacher, ngunit walang inilaan na pondo rito ang Department of Budget and Management o DBM.
Gayunman, sinabi ni Angara na nagpapatuloy ngayong taon ang hiring ng 32,000 Teacher I positions para sa School Year 2026–2027.
Bukod dito, target ding punan ngayong taon ang 22,268 non-teaching positions upang mabawasan ang administrative workload ng mga guro at mas makapagtuon sila sa pagtuturo.
Umaasa naman si Angara na madadagdagan pa ang pondo para sa mga nasabing posisyon habang nagpapatuloy ang deliberasyon sa budget.











