Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad kaugnay sa pagkakadiskubre ng dalawang hinihinalang gambling machine sa isang establisimyento sa Barangay Nungnungan II, Cauayan City, Isabela.
Nadiskubre ang dalawang makinang tinukoy sa police report bilang video karera o fruit game sa loob ng lobby ng establisimyento sa isinagawang joint inspection ng Philippine National Police o PNP, Business Permit and Licensing Office o BPLO, National Telecommunications Commission o NTC at Bureau of Internal Revenue o BIR.
Ayon sa mga awtoridad, bahagi ng isinagawang inspeksiyon ang pagberipika sa business permits at iba pang dokumento ng establisimyento.
Isinailalim sa inventory at dokumentasyon ng PNP ang dalawang makina bago dinala sa himpilan para sa kaukulang proseso.
Sinusuri naman ng BPLO kung naaayon sa business permit ang aktuwal na operasyon ng negosyo, habang tinitingnan ng BIR ang mga dokumentong may kaugnayan sa pagpaparehistro ng negosyo, invoicing at tax compliance.
Sinusuri rin ng NTC ang mga telecommunications equipment at iba pang kagamitang maaaring sakop ng kanilang mandato, kabilang ang mga kinakailangang dokumento at awtorisasyon.
Samantala, inaalam ng PNP kung sino ang nagmamay-ari o responsable sa dalawang hinihinalang gambling machine, kung paano ginagamit ang mga ito at kung may kaugnayan ang mga ito sa operasyon ng establisimyento.
Kasabay nito, sinusuri rin ng mga awtoridad ang mga reklamong natanggap umano kaugnay sa mga cellphone, laptop at iba pang produktong ibinebenta ng naturang establisimyento, kabilang ang mga ulat na may ilang customer na nakatanggap umano ng mga produktong may sira o hindi maayos ang kondisyon.
Ayon sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, nauna nang nakapansin ang ilang residente sa madalas na paglabas-masok ng mga delivery rider sa lugar kahit umano ay sarado ang establisimyento.
Kalaunan, umabot sa barangay ang ilang reklamo at impormasyon hinggil sa operasyon ng negosyo bago ito napunta sa atensyon ng mga awtoridad.
Gayunman, nilinaw na ang isinagawang inspeksiyon ay bahagi ng beripikasyon ng mga business permit at hindi pangunahing nakatuon sa umano’y gambling operation.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang tunay na operasyon ng establisimyento at kung may paglabag sa batas o mga umiiral na regulasyon.
Sa ngayon, wala pang pinal na resulta ang isinasagawang pagsusuri at imbestigasyon ng mga kinauukulang ahensya.











