Umabot sa 73 sibilyan, kabilang ang mga babae at bata, ang nasugatan sa magkakasunod na pag-atake ng Houthi rebels sa southern provinces ng Saudi Arabia.
Ayon sa Saudi-led coalition sa Yemen, tinarget ng mga Houthi ang mga civilian at economic sites sa Abha, Khamis Mushait, Jazan at Najran.
Inilarawan ni coalition spokesperson Major-General Turki al-Maliki ang mga pag-atake bilang mapanganib na paglala ng tensyon at tahasang paglabag sa soberanya ng Saudi Arabia.
Nagbabala ang coalition na magsasagawa ito ng mga kinakailangang hakbang laban sa mga pag-atake at sa pinagmumulan ng banta.
Kasabay nito ang paglala ng labanan sa Yemen sa pagitan ng mga Houthi at Saudi-backed Yemeni government forces.
Samantala, inakusahan ng mga Houthi ang Saudi Arabia ng pagsasagawa ng airstrike sa isang detention facility sa al-Hazm, al-Jawf, na ikinasawi umano ng pitong katao, kabilang ang isang bata, at ikinasugat ng pito pa. Hindi pa nagkokomento ang Saudi Arabia sa naturang alegasyon.











