--Ads--

Timbog ang tinaguriang “palos” sa bayan ng San Isidro, Isabela matapos maaresto sa isinagawang drug buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng San Isidro Police Station, PDEA Region 2 at Department of Justice (DOJ) nitong gabi ng Setyembre 8.

Ayon sa inisyal na impormasyon, matagal na umanong minamanmanan ang suspek dahil umano sa operasyon nito hindi lamang sa nasabing bayan kundi maging sa mga karatig na lugar.

Nahirapan din umano ang mga awtoridad na mahuli ang suspek dahil sa pagiging alerto nito sa mga posibleng operasyon laban sa kanya.

Gayunman, hindi na umano ito nakapalag nang isagawa ang buy-bust operation.

--Ads--

Nakuha umano sa kanyang pag-iingat ang dalawang sachet na hinihinalang shabu, isang cellphone, buy-bust money at ang motorsiklong walang plaka na umano’y ginamit sa kanyang operasyon.

Agad na dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon bago isinailalim sa pagsusuri sa crime laboratory.

Hindi muna nagbigay ng pahayag kaugnay sa operasyon ang hepe ng San Isidro Police Station habang tumanggi ring magbigay ng panayam sa Bombo Radyo Cauayan ang suspek.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek habang isinasagawa ang kaukulang imbestigasyon at paghahanda ng mga kasong isasampa laban dito.