Matagumpay na naisagawa ang tatlong araw na Cauayan City Athletic Association Meet, na nagtapos sa awarding ceremony at closing program kaninang alas-2 ng hapon sa Cauayan City Sports Complex.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Norman Tolentino, Education Program Supervisor at Division Sports Officer, sinabi nitong magpapatuloy ang pagpili at paghahanda sa mga atletang maaaring lumahok sa mga susunod na kompetisyon, kabilang ang CAVRAA.
Dalawa ring napiling tennis players ang nakatakdang lumahok sa isang kompetisyon sa China, kung saan sasagutin ng isang Tennis Club organization ang lahat ng kanilang gastusin.
Ayon kay Tolentino, mahalagang mabigyan ng exposure ang mga atleta sa pamamagitan ng pakikipagkumpitensya sa mga manlalaro mula sa iba’t ibang dibisyon.
Bagamat tinatayang nasa 50 porsiyento pa lamang ang kahandaan ng mga atleta, may sapat pa umanong panahon para sa kanilang patuloy na pagsasanay bago ang mga susunod na kompetisyon.
Target din nilang mas mapaunlad ang Dance Sport, Arnis at Gymnastics, habang magsasagawa rin ng pagpili ng mga atleta para sa weightlifting, na regular na event sa Palarong Pambansa.
Patuloy ring naghahanap ng paraan ang SDO Cauayan upang hindi maputol ang pagsasanay ng mga atleta, kabilang ang posibilidad na makakuha ng mga propesyonal na trainers bilang paghahanda sa mas mataas na antas ng kompetisyon at sa Palarong Pambansa.











