--Ads--

Sugatan ang isang babaeng pedestrian matapos mabangga ng isang motorsiklo sa kahabaan ng national highway sa barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela kagabi, Setyembre 19.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, dakong alas-8:40 ng gabi nang mangyari ang insidente at bandang alas-11 na ito naiulat sa kanilang himpilan.

Sangkot sa aksidente ang isang pulang Honda TMX 155 na minamaneho ng isang 54-anyos na lalaki, na sinasabing presidente ng Barangay Del Pilar, Alicia, Isabela.

Patungo umano sa bayan ng Alicia ang motorsiklo at nasa inner lane ito nang tumawid sa highway ang babaeng pedestrian. Hindi umano agad napansin ng rider ang tumatawid na biktima dahilan upang aksidenteng mabangga ito.

--Ads--

Dahil sa insidente, nagtamo ng mga injury sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima at agad na isinugod sa Cauayan District Hospital para sa kaukulang atensyong medikal, sa tulong ng Rescue 922.

Samantala, nasa kustodiya naman ng himpilan ng pulisya ang nasabing motorsiklo habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.