--Ads--

Kailangang humingi ng pahintulot sa Sandiganbayan sina detained senators Rodante Marcoleta at Jinggoy Estrada bago sila makadalo sa mga sesyon ng Senado, kabilang ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, nasa kustodiya ng korte ang dalawang senador kaya’t ang Sandiganbayan ang magdedesisyon kung papayagan silang dumalo sa mga sesyon o sa impeachment trial.

Sinabi ni Gatchalian na hindi na kinakailangang siya ang sumulat sa Sandiganbayan, dahil ang mismong mga senador ang kailangang humiling ng pahintulot sa korte.

Kasalukuyang nakadetine sina Estrada at Marcoleta kaugnay ng mga kasong plunder. Nauna nang humiling si Estrada sa Sandiganbayan na payagan siyang dumalo sa impeachment trial, ngunit ibinasura ng anti-graft court ang kanyang kahilingan dahil sa kawalan umano ng sapat na merito.

--Ads--

Samantala, sinabi naman ni Marcoleta sa isang liham kina Gatchalian at impeachment presiding officer Senador Francis “Chiz” Escudero na wala umanong nakikitang hadlang sa kanyang kakayahang gampanan ang tungkulin bilang senador-hukom.

Bukod kina Estrada at Marcoleta, hindi rin nakadadalo sa impeachment proceedings si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na nananatiling nagtatago kaugnay ng warrant of arrest ng International Criminal Court. Hindi rin nakadadalo si Senador Loren Legarda matapos umalis ng bansa at humiling ng extended absence.

Dahil dito, apat na senador ang hindi nakadadalo sa impeachment proceedings, na nagbunsod ng mga tanong kung ilang boto ang kinakailangan upang ma-convict si Duterte. Nakatakdang kumonsulta ang Senate impeachment court sa mga legal expert bilang amici curiae hinggil sa usapin.