Naaresto na ng mga awtoridad ang suspek sa pagpaslang sa 29-anyos na babae at 11-anyos nitong pamangkin sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Kasabay nito, natagpuan na rin ng mga awtoridad ang bangkay ng bata na una nang naiulat na nawawala matapos matagpuan ang bangkay ng kaniyang tiyahin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Anthony Ayungo, Chief of Police ng Bayombong Police Station, sinabi nito na kabilang sa naging hakbang ng pulisya ang pag-backtrack sa mga CCTV footage na naging mahalagang basehan sa pagtukoy sa person of interest o suspek.
Nang makilala ang suspek, nakatanggap umano ang pulisya ng impormasyon na nagtungo ito sa Pangasinan. Agad itong sinundan ng mga operatiba, ngunit nakabalik ang suspek sa Bayombong.
Dito na umano siya nasundan ng mga awtoridad at kalaunan ay naaresto sa Barangay Bonfal West.
Sa imbestigasyon, sinabi umano ng suspek kung saan niya dinala ang 11-anyos na bata. Una nitong sinabi na pinatakbo lamang umano niya ang bata, ngunit nang puntahan at i-verify ng mga awtoridad ang lugar, doon natagpuan ang bangkay nito.
Nang komprontahin umano ng pulisya, inamin ng suspek na pinatay niya rin ang bata.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan ang suspek at 29-anyos na biktima kaugnay sa kalakal. Sinabi rin umano nito na nasa impluwensya siya ng ilegal na droga nang mangyari ang insidente, dahilan upang umano’y magdilim ang kaniyang paningin at mapatay ang unang biktima.
Matapos nito, isinama umano ng suspek ang 11-anyos na bata at dinala sa isang liblib na lugar tsaka doon pinaslang.
Sa ngayon ay sinampahan na ito ng kasong double murder.











