--Ads--

Matagumpay na isinagawa ng Bureau of Fire Protection o BFP Region 2 ang Fire Square Roadshow sa isang malaking mall sa Cauayan City ngayong Setyembre 11, na naglalayong mapalawak ang kaalaman ng publiko, lalo na ng mga kabataan, tungkol sa fire safety, emergency preparedness at rescue operations.

Bahagi ito ng programa ng BFP na nagbibigay sa publiko ng pagkakataong makita at maranasan ang iba’t ibang aktibidad kaugnay ng pagtugon sa sunog at iba pang emergency situations.

Binigyang-diin din ng BFP Region 2 ang kahalagahan ng Unified 911 sa mabilis na pagtugon sa mga emergency at pagsagip ng buhay.

Ayon kay Fire Senior Superintendent Victoria Domingo, Regional Director ng BFP Region 2, mahalaga ang emergency hotline upang agad na maiparating sa mga responder ang pangangailangan ng isang taong nangangailangan ng tulong, lalo na sa mga insidente ng sunog, aksidente at rescue operations kung saan kritikal ang bawat segundo.

--Ads--

Hinimok naman ni Domingo ang publiko na gamitin nang responsable ang Unified 911 at tumawag lamang para sa lehitimong emergencies upang hindi maantala ang pagtugon sa mga nangangailangan.

Kabilang sa mga aktibidad sa roadshow ang rescue demonstrations, parachute activity, fire ladder beam, zero visibility maze, electricity maze, rescue tower at fire station activity.

Maraming kabataan ang nakilahok sa mga gawain upang matuto ng pangunahing kaalaman sa fire prevention, safety at emergency response.