Sugatan ang 44 katao matapos madiskaril ang isang pampasaherong tren sa northwestern France nitong Biyernes, kabilang ang isang nasa kritikal na kondisyon.
Ayon sa mga lokal na awtoridad, may 186 pasahero ang tren na bumibiyahe mula Rouen patungong Caen sa Normandy nang madiskaril bandang alas-7:45 ng gabi.
Kabilang sa mga nasugatan ang isang 18-anyos na babae na isinugod sakay ng helicopter sa Rouen University Hospital dahil sa kritikal na kondisyon.
Agad namang nagpakilos ang mga awtoridad ng 130 bumbero, limang medical team at 80 sasakyan bilang bahagi ng mass-casualty response.
Samantala, sinuspinde ng SNCF Réseau ang operasyon sa linya at pinutol ang kuryente sa riles upang bigyang-daan ang mga emergency responder.
Negatibo naman sa droga at alak ang driver ng tren.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng pagkadiskaril.











