--Ads--

Tinutulan ng  International Criminal Court (ICC) prosecutor ang hirit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na baguhin ang pagkakabalangkas ng mga kasong crimes against humanity na kinakaharap nito.

Sa 10-pahinang tugon, hiniling ni ICC acting prosecutor Mame Mandiaye Niang sa Trial Chamber III na ibasura ang mosyon ng depensa na kumukuwestiyon sa porma ng mga kaso laban kay Duterte.

Iginiit ng abogado ni Duterte na si Atty. Peter Haynes na hindi maayos ang pagkakalahad ng mga kaso dahil pinagsama ang mga alegasyon sa ilalim ng tatlong pangunahing kategorya, na aniya ay lumalabag sa karapatan ng akusado na malinaw na malaman ang detalye ng mga paratang laban sa kanya.

Gayunman, sinabi ni Niang na nabigyan na ng sapat na impormasyon ang depensa tungkol sa mga insidente at biktima na saklaw ng paglilitis.

--Ads--

Ayon pa sa tagausig, napag-usapan at napagdesisyunan na ang mga isyung inihain ng depensa noong confirmation proceedings, kung saan aktibong lumahok ang kampo ni Duterte.

Iniuugnay si Duterte sa tatlong set ng umano’y krimen na saklaw ng mga kasong crimes against humanity—ang mga pagpatay sa Davao mula 2013 hanggang 2016, pagpatay sa mga high-value target mula 2016 hanggang 2017, at mga pagpatay at tangkang pagpatay na may kaugnayan sa mga operasyon sa mga barangay mula 2016 hanggang 2018.

Ayon kay Niang, malinaw ang saklaw ng bawat kaso pagdating sa panahon, lugar at uri ng mga insidenteng sakop nito.

Nakatakdang magsimula ang paglilitis kay Duterte sa ICC sa Nobyembre 30.