--Ads--

Ipinag-utos ng International Criminal Court ang panibagong pagsusuri sa kalusugan ni dating pangulong Rodrigo Duterte upang matukoy kung kaya pa nitong humarap sa paglilitis kaugnay ng kinakaharap niyang kasong crimes against humanity.

Sa isinagawang unang status conference nitong Miyerkules, sinabi ni ICC Trial Chamber III Judge Joanna Korner na muling susuriin ng mga eksperto ang kalagayan ni Duterte matapos maghain ng mosyon ang kampo nito.

Ayon sa depensa, ang naunang medical assessment ay para lamang sa confirmation of charges proceedings at hindi para sa mismong paglilitis.

Sinabi ni Korner na maaaring agad na iutos ng hukuman ang panibagong medical examination upang makakuha ng updated na ulat hinggil sa kalusugan ng dating pangulo.

--Ads--

Dahil dito, ipinagpaliban muna ng ICC ang pagtatakda ng eksaktong petsa ng pagsisimula ng paglilitis.

Ayon pa kay Korner, mahalagang matukoy muna ang tunay na kondisyon ni Duterte, lalo na’t may kaugnayan ito sa kaniyang edad at posibleng mga problemang medikal.

Tinalakay rin sa status conference ang iba’t ibang usapin kaugnay ng kaso, kabilang ang pretrial deadlines, pagsusumite ng ebidensya, mga wikang gagamitin sa paglilitis, at disclosure obligations ng magkabilang panig.

Ayon sa hukuman, nais ng ICC Prosecution na simulan ang paglilitis sa Nobyembre 30, habang nais naman ng legal representative ng mga biktima na magsimula ito sa Setyembre.

Samantala, iminungkahi ng ICC Registry na sa Enero 2027 na lamang simulan ang trial dahil sa mga usaping may kinalaman sa interpretation o pagsasalin ng wika.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pinal na iskedyul ang ICC habang hinihintay ang resulta ng panibagong medical examination ni Duterte.