Itinuturing ni House Deputy Speaker at La Union Representative Paolo Ortega V na papunta na sa “exciting part” ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kasabay ng pagsisimula ng presentasyon ng prosecution ng mga testigo at ebidensya kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth.
Sinabi ni Ortega na ito ang ikalawang article of impeachment na tumatalakay sa alegasyong hindi idineklara ni VP Sara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ang ilang yaman.
Naniniwala si Ortega na isa ito sa mga pinaka-aabangan sa paglilitis dahil inaasahang mabubuksan ang bank at tax records ni Duterte at ng kanyang mister na si Atty. Manases Carpio.
Samantala, sinabi ni House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon na ipiprisinta rin ng prosecution ang report ng Anti-Money Laundering Council o AMLC na nagpapakita umano ng mga bank account transactions ng mag-asawang Duterte-Carpio na umaabot sa ₱6.7 billion.
Kabilang sa mga pangunahing testigong nakatakdang iharap ng prosecution sina retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, Records Division Officer-in-Charge ng Office of the Ombudsman na si Atty. Karen Batu, SEC Company Registration and Monitoring Department Director Atty. Gerardo Del Rosario, at dating Senator Antonio Trillanes IV.











