--Ads--

Ipinag-utos na ng Sandiganbayan ang paglilipat kay Leyte Representative at dating House Speaker Martin Romualdez sa Quezon City Jail Male Dormitory matapos lumabas ang resulta ng isinagawang independent medical assessment ng Philippine General Hospital (PGH).

Batay sa ulat ng PGH, clinically stable na si Romualdez at wala nang imperative medical need o agarang pangangailangang medikal para manatili sa ospital.

Dahil dito, pinayagan na ng anti-graft court ang kanyang discharge mula sa PGH at inatasan ang kanyang paglipat sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology sa Quezon City.

Nauna nang inilipat si Romualdez sa PGH mula sa Cardinal Santos Medical Center upang sumailalim sa independent medical evaluation matapos maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan.

--Ads--

Unang iginiit ng mga personal doctors ni Romualdez na kinakailangan pa umano ang kanyang confinement dahil sa ilang kondisyong medikal, kabilang ang pabagu-bagong blood pressure at panganib ng stroke. Gayunman, iba ang naging resulta ng pagsusuri ng PGH medical team.