--Ads--

Tinatayang 533 estudyante, magulang, guro at non-teaching personnel ang target na makinabang sa PhilHealth Yaman ng Kalusugan o YAKAP program na isinasagawa ngayong araw sa Guayan National High School-Cabaruan Extension sa Lungsod ng Cauayan.

Sa panayam bg Bombo Radyo Cauayan kay Kimberly Gem Cortez, YAKAP Focal Person ng PhilHealth Local Health Insurance Officer bg Cauayan City, sinabi nito na bahagi ang aktibidad ng nationwide implementation ng programa na naglalayong ilapit ang mga serbisyong pangkalusugan sa mga paaralan, lugar ng trabaho at komunidad.

Katuwang ng PhilHealth sa aktibidad ang Department of Health o DOH at City Health Office o CHO, na sabay-sabay na naghahatid ng mga serbisyong maaaring mapakinabangan ng mga dumalo.

Kabilang sa mga benepisyo ng YAKAP ang libreng konsultasyong pangkalusugan, laboratory tests, diagnostic services, cancer screening at mga gamot na sakop ng programa.

--Ads--

Sa ilalim ng YAKAP, maaaring makatanggap ang mga kwalipikadong miyembro ng outpatient medicines hanggang sa itinakdang taunang limitasyon ng programa.

Upang magamit ang mga regular YAKAP benefits, kinakailangang pumili ang miyembro sa isang accredited YAKAP clinic at magpa-impanel sa pamamagitan ng first patient encounter kung saan sinusuri ang  health profile at mga posibleng panganib sa kalusugan ng mga benepisyaryo.

Matapos ang impanelment, maaari nang magkonsulta sa napiling YAKAP clinic at ma-refer para sa laboratory tests, diagnostic procedures, cancer screening o reseta ng mga gamot na sakop ng programa.

Samantala, maaari ring gamitin ng mga dumalo ang aktibidad upang maayos ang kanilang PhilHealth records, kabilang ang pagdeklara ng mga kwalipikadong dependent.

Sa kabuuan, 256 estudyante, 256 magulang, 17 guro at apat na non-teaching personnel ang target na benepisyaryo sa CCNHS – Cabaruan Extension.