--Ads--

Umabot sa tinatayang P7.2 milyon ang halaga ng 36,000 fully grown marijuana plants na pinagbubunot at sinunog ng mga awtoridad matapos madiskubre ang isang malawak na taniman ng marijuana sa hangganan ng Mountain Province at Kalinga nitong Setyembre 14.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera o PDEA-CAR, nadiskubre ang humigit-kumulang 6,000 square meters na taniman ng marijuana sa boundary ng Barangay Saclit, Sadanga, Mountain Province at Tinglayan, Kalinga habang nagsasagawa ng marijuana eradication operation ang mga awtoridad.

Ang operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng PDEA Cordillera-Mountain Province Provincial Office katuwang ang Sadanga Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit, Provincial Drug Enforcement Unit at 2nd Provincial Mobile Force Company.

Sa kabuuan, 36,000 fully grown marijuana plants ang pinagbunot at agad na sinunog sa lugar upang hindi na muling mapakinabangan.

--Ads--

Samantala, wala namang naarestong hinihinalang nagtatanim ng marijuana sa nasabing lugar habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga responsable sa ilegal na plantasyon.