Arestado ang isang 25-anyos na lalaki na wanted sa kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act o Republic Act 9262 sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Santiago City.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Dondon,” 25-anyos at binata, matapos isilbi sa kanya ang warrant of arrest ng pinagsanib na pwersa ng Traffic Enforcement Unit at Police Station 1 ng Santiago City Police Office.
Inilabas ng Regional Trial Court Branch 21 sa Santiago City ang warrant kaugnay ng kasong paglabag sa RA 9262, na may inirekomendang piyansang P72,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa suspek ang dahilan ng kanyang pagkakadakip at ang kanyang mga karapatang konstitusyonal alinsunod sa Miranda Doctrine.
Dinala naman siya sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.











