--Ads--

Nakasungkit agad ng medalya ang Team Philippines sa 2026 Asian Games kahit hindi pa pormal na nagsisimula ang opening ceremony ng palaro.

Tiniyak ng women’s soft tennis team ang podium finish matapos makapasok sa semifinals ng Aichi-Nagoya Asiad nitong Biyernes sa Higashiyama Park Tennis Center.

Pinangunahan nina Bien Zoleta at Christy Sanosa ang kampanya ng Pilipinas, na nagtala ng 2-1 record sa group stage at umabante sa semifinals.

Tinalo ng Pilipinas ang Mongolia at Thailand bago yumuko sa Chinese-Taipei, 0-3. Dahil dito, nagtapos ang Nationals sa ikalawang puwesto sa Group B at awtomatikong nakakuha ng bronze medal dahil walang playoff para sa third place sa soft tennis.

--Ads--

Ito ang unang medalya ng Pilipinas sa soft tennis sa Asian Games mula nang maging medal sport ito noong 1998 Bangkok Asiad.

Samantala, hindi nakasabay ang men’s team matapos itong matalo sa South Korea sa quarterfinals.

Haharapin naman ng women’s team ang defending Asian Games champion at world champion na Japan sa semifinals, matapos manguna ang naturang koponan sa Group A.