Maaaring bumaba ang electricity bill ng ilang consumer simula Nobyembre matapos alisin ang 12% VAT sa allowable system loss charges ng mga power utility.
Ayon sa Energy Regulatory Commission o ERC, pinag-uusapan na nito at ng mga stakeholder ang paraan ng pagpapatupad ng bagong VAT exemption.
Target ng ERC na maipatupad ito sa konsumo ngayong Oktubre, kaya sa November billing pa makikita ang epekto sa bill ng mga consumer.
Saklaw ng Revenue Memorandum Circular No. 97-2026 ng Bureau of Internal Revenue ang system loss charges na pasok sa limitasyong itinakda ng ERC.
Nilinaw naman ng ERC na hindi inaalis ang system loss charge mismo, kundi ang VAT lamang na ipinapataw dito.
Tinatayang nasa 20 hanggang 30 pesos ang maaaring mabawas sa bill dahil sa VAT component ng system loss charge, bagama’t magdedepende pa rin ang aktuwal na matitipid sa konsumo ng bawat consumer.
Ayon sa ERC, patuloy ang koordinasyon nito sa mga power utility upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng bagong patakaran.










