Masaya umano si Vice President Sara Duterte na nakita ng mga hukom ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang estado ng edad ng kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte, na aniya ay nasa ‘advance age’ na.
Matatandaang muling nakita ng publiko ang dating pangulo sa kanyang unang appearance sa isang status conference noong nakaraang linggo.
“Masaya ako na nagkaroon ng status conference, no, at finally nakita ng mga judges kung ano ‘yung estado ni PRRD, na he’s of advance age,” ayon kay VP Sara, sa isang ambush interview kahapon.
Nagpahayag din naman ng pag-asa si VP Sara na matatalakay ang lagay ng kalusugan ng kanyang ama.
Matatandaang ang dating Pangulo ay nakapiit sa ICC Detention Center sa The Hague, The Netherlands habang nililitis ang kinakaharap nitong crimes against humanity na may kinalaman sa kanyang inilunsad na war on drugs.
Matapos naman ang status conference, nagdesisyon ang Trial Chamber na panatilihing nakapiit ang dating pangulo ng Pilipinas habang ipinagpapatuloy ang pagdinig sa kanyang kaso.











