Inihayag ng prosecution panel na ang dating Special Envoy to China na si Jaime T. Cruz, na nagsilbi sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay siya ring taong nakalista sa corporate records ng ilang kumpanyang iniuugnay kay Vice President Sara Duterte at sa kaniyang asawang si Manases Carpio.
Inihayag ito ni private prosecutor Erwin Matib matapos tanungin ni Senator-Judge Erwin Tulfo kung si Cruz na itinalagang special envoy to China para sa trade and investment ay siya ring nakalista bilang incorporator o board member sa mga kumpanyang iniuugnay sa Bise Presidente at kay Carpio.
Kinumpirma ni Matib na iisang tao lamang ang tinutukoy sa mga rekord.
Ang usapin ay lumitaw sa pagtatanong ni Tulfo sa prosecution witness na si lawyer Gerardo Del Rosario, direktor ng Securities and Exchange Commission Company Registration and Monitoring Department, na naglalahad ng corporate records ng mga kumpanyang sinasabing may kaugnayan kina Duterte at Carpio, kabilang ang kanilang mga incorporator, director at shareholder.
Ayon kay Del Rosario, lumitaw ang pangalan ni Cruz sa corporate records ng mga sumusunod na kumpanya:
- City Hall King Chow Foods Corporation
- Metro City Chow Foods Corporation
- Great Jolly Times Food Corporation
- Davao New Royal Taipan Foods Corporation
- Davao Emerging Taipan Corporation
- Davao Bounty Times Food Corporation
Nauna nang sinabi ni Del Rosario na si Cruz ang may pinakamaraming subscription sa Metro City Chow Foods Corporation na may 1,997 shares, habang may 500 shares naman si Vice President Sara Duterte.











