Hinatulan ng High Court ng Sri Lanka ang 15 sa 24 na akusado sa madugong Easter Sunday bombings noong 2019 na ikinasawi ng 279 katao, kabilang ang 45 dayuhan, at ikinasugat ng mahigit 500 iba pa.
Matapos ang limang taong paglilitis, napatunayang nagkasala ang 14 sa mga akusado sa lahat ng kaso laban sa kanila, kabilang ang murder, conspiracy to commit terrorism, at ilegal na pagmamay-ari ng mga armas at pampasabog. Isa pang akusado ang nahatulang guilty sa ilan lamang sa mga isinampang kaso habang siyam ang napawalang-sala.
Kabilang sa mga nahatulan si Mohamed Naufar, na itinuro ng mga prosecutor bilang lider ng grupo at umano’y nagbigay ng suporta sa walong suicide bombers na nagsagawa ng magkakaugnay na pag-atake.
Target ng mga pambobomba noong Abril 2019 ang tatlong simbahan at tatlong mamahaling hotel sa Sri Lanka. Ayon sa mga imbestigador, may mga naunang intelligence warning tungkol sa posibleng pag-atake ngunit hindi ito agad naaksyunan ng mga awtoridad.
Malugod namang tinanggap ng Simbahang Katolika sa Sri Lanka ang naging hatol ng korte, habang sinabi ng ilang survivor ng trahedya na matagal nilang hinintay ang pagkamit ng hustisya para sa mga biktima.
Inaasahang ilalabas ng korte ang kaukulang sentensiya sa mga nahatulang akusado.











