11 barkong pandigma mula sa walong bansa ang nagsagawa ng joint maritime exercise sa West Philippine Sea nitong Miyerkoles, Setyembre 23, bilang bahagi ng Sea Phase ng ASEAN Defense Ministers’ Meeting-Plus o ADMM-Plus Maritime Security Joint Cooperative Activity.
Kabilang sa lumahok ang mga barko mula sa Pilipinas, Estados Unidos, Australia, Japan, New Zealand, India, Singapore at Brunei, na nakatuon sa pagpapalakas ng maritime security at environmental resilience.
Pinangunahan ng BRP Jose Rizal ng Philippine Navy ang division tactics, habang nagsagawa rin ito ng medical evacuation exercise kasama ang Japanese helicopter destroyer na JS Ise.
Nagsagawa naman ang Japan ng search and rescue exercises, habang nagsagawa ang BRP Tarlac ng simulation para sa pagtulong sa isang sumadsad na oil tanker at cross-deck landing operations.
Hindi lumahok ang China sa sea phase, ngunit isang barko ng People’s Liberation Army Navy o PLA-N ang namonitor malapit sa lugar ng pagsasanay.
Nag-radio challenge ang BRP Jose Rizal sa naturang barko ngunit walang natanggap na tugon.
Pinangungunahan ng Pilipinas at Japan ang aktibidad na tatagal hanggang Setyembre 26, na layong palakasin ang ugnayan, tiwala at kooperasyon ng mga kalahok na bansa sa maritime security.











