--Ads--

Isinusulong ni House Ways and Means Committee Chairman at Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo ang pagpapataw ng mas mataas na excise tax sa mga mamahaling sasakyan at iba pang luxury o non-essential goods, habang aalisin naman ang buwis sa mga pabango at toilet waters.

Nakapaloob ito sa House Bill No. 11465 na naglalayong amyendahan ang ilang probisyon ng National Internal Revenue Code of 1997 upang gawing mas progresibo at patas ang sistema ng pagbubuwis sa bansa.

Sa ilalim ng panukala, papatawan ng 50% ad valorem tax ang mga sasakyang may halagang higit sa ₱4 milyon hanggang ₱8 milyon, habang 75% naman ang buwis para sa mga sasakyang lampas ₱8 milyon ang halaga.

Sakop din ng panukala ang mga yacht, jet ski, speedboat, sailboat, motorboat, aircraft, jet at helicopter na ginagamit para sa leisure, pribadong gamit o sports.

--Ads--

Hindi naman maaapektuhan ng panukala ang kasalukuyang tax rates para sa mga sasakyang nagkakahalaga ng ₱4 milyon pababa.

Ayon kay Quimbo, layunin ng panukala na mas mapabuti ang distribusyon ng yaman dahil karaniwang binibili ng mga may mas mataas na kakayahang pinansyal ang mga luxury at high-value goods.