Idineklarang disaster area ang lahat ng 50 distrito ng Bangkok, Thailand matapos ang tatlong magkakasunod na araw ng malakas na ulan na nagdulot ng malawakang pagbaha.
Ayon kay Bangkok Governor Chadchart Sittipunt, halos 300 millimeters na ulan ang bumagsak mula Huwebes ng hapon, kung saan pinakamatinding naapektuhan ang silangang bahagi ng lungsod.
Maraming kalsada at kabahayan ang binaha habang umapaw ang mga kanal. May ilang lugar na umabot sa hanggang tuhod ang baha.
Nagbabala naman ang mga awtoridad na posibleng magpatuloy ang pag-ulan hanggang Linggo, na maaaring magdulot ng flash flood, pagguho ng lupa at pag-apaw ng mga ilog.
Pinayuhan ni Chadchart ang mga residenteng nakatira malapit sa mga kanal na mag-ingat at ilipat sa mataas na lugar ang kanilang mga sasakyan. Naglaan din ang public transport authority ng libreng MRT park-and-ride parking hanggang Oktubre 2.











