Pinarangalan si Taylor Swift ng kauna-unahang Artist Director Honors sa 2026 MTV Video Music Awards, bilang pagkilala sa kanyang ambag sa music video production at visual storytelling.
Ipinagkaloob kay Swift ang parangal nitong Setyembre 27 sa Peacock Theater sa Los Angeles. Ayon sa MTV, kinikilala ng bagong award ang mga artistang may makabuluhang ambag sa likod ng kamera at nakapagpalawak sa paraan ng pagkukuwento sa pamamagitan ng music video.
Naging bahagi mismo si Swift sa direksiyon ng marami niyang music video. Kabilang dito ang “The Man,” “cardigan,” “willow,” “Anti-Hero,” “Bejeweled,” “Fortnight” at “All Too Well: The Short Film,” na nagkamit din ng ilang parangal kabilang ang Grammy para sa Best Music Video.
Sa seremonya, ipinalabas din ang world premiere ng kanyang bagong music video na “Patient Zero,” na siya mismo ang nagdirek at tampok sina Colin Farrell at Dakota Johnson.
Sa kanyang pagtanggap ng parangal, sinabi ni Swift na humigit-kumulang 60 music video na ang kanyang naging bahagi at 18 rito ang kanyang isinulat at dinirek.









