Iginiit ng mga transport group na hindi sapat ang ₱1 dagdag-pasahe upang mabawi ang pagkalugi ng mga tsuper bunsod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Manibela chairman Mar Valbuena, ang inaprubahang dagdag-pasahe ay nakabatay sa petisyon noong Marso nang nasa ₱45 hanggang ₱50 kada litro ang presyo ng gasolina. Umaasa aniya silang madagdagan pa ito.
Sinabi naman ni Piston national president Mody Floranda na umabot sa humigit-kumulang ₱50 ang itinaas ng presyo ng langis, dahilan upang mawalan umano ng hindi bababa sa ₱1,000 kada araw ang kita ng mga jeepney driver.
Patuloy hanggang bukas ang transport strike ng ilang grupo na humihiling ng rollback sa presyo ng langis at suspensyon ng fuel taxes.
Samantala, bumaba ngayong araw ang presyo ng diesel ng ₱7.57 kada litro, habang ₱0.24 sa gasolina at ₱5.85 sa kerosene.
Sinabi naman ng LTFRB na maaari pang maghain ng panibagong petisyon ang mga transport group para sa dagdag-pasahe. Ayon kay Acting LTFRB Chairman Greg Pua, may mga nakabinbing petisyon na at isasailalim ito sa pagdinig.
Tiniyak naman ng Malacañang na magpapatuloy ang fuel subsidies at iba pang ayuda para sa mga transport worker.











