Nagbigay ng paliwanag si Kasibu Mayor Romeo Tayaban kaugnay ng mainit na usapin sa pagmimina sa Nueva Vizcaya sa isinagawang Municipal Wide Executive Meeting.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Tayaban, sinabi niyang wala siyang pinapanigan sa pagitan ng mga pro at anti-mining group sa kanilang lugar.
Aniya, bilang alkalde, kailangan niyang manatili sa gitna at hindi kumampi sa alinmang grupo upang maiwasan ang paglala ng usapin.
Sinabi ni Tayaban na bago pa man itayo ang mga barikada, nagsagawa na ng konsultasyon sa pagitan ng mga pro at anti-mining group, kasama ang kani-kanilang abogado at kinatawan, upang mapag-usapan ang kanilang mga posisyon at magkaroon ng kasunduan.
Dahil naman sa mga puna at batikos na natatanggap mula sa publiko, isinagawa ang Municipal Wide Executive Meeting upang bigyang-linaw ang mga hinaing ng mga residente at ang panig ng lokal na pamahalaan.
Sa naturang pulong, sinabi ni Tayaban na kung may reklamo ang mga anti-mining group kaugnay sa pagmimina, maaari nila itong idulog kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa alkalde, ang pagbibigay ng pahintulot sa mga mining company ay saklaw ng Department of Environment and Natural Resources o DENR at ng pambansang pamahalaan.
Giit niya, wala siyang inilabas na permit para sa pagmimina dahil hindi na saklaw ng lokal na pamahalaan ang naturang proseso.
Ipinaliwanag din ni Tayaban na ang dokumentong inilabas ng kanilang tanggapan ay certification of posting at ang certification kaugnay sa kalsadang dumaraan sa tatlong barangay.
Nilinaw niya na pampubliko ang naturang kalsada at wala itong koneksyon sa pagmimina.
Kaugnay naman ng alegasyon na private property ang lugar na kinaroroonan ng mga barikada, sinabi ni Tayaban na noong itinatayo ang kalsada ay wala umanong tumutol o nagreklamo ang mga may-ari ng lupa.
Aniya, nagkaroon pa umano ng verbal na pahintulot mula sa mga may-ari para magamit ang kanilang lupa sa paggawa ng kalsada.
Ayon kay Tayaban, matapos maitayo ang kalsada at magamit ng publiko, naging daanan na ito ng mga residente at nagsisilbi nang pampublikong kalsada.
Nanawagan naman ang alkalde sa mga residente na huwag hayaang mauwi sa pagkakawatak-watak at hindi pagkakaunawaan ang usapin ng pagmimina.
Muli niyang iginiit na wala siyang pinapanigan sa mga pro at anti-mining group at layunin lamang umano ng lokal na pamahalaan na mapanatili ang kaayusan at mabigyang-linaw ang mga isyung kinakaharap ng komunidad.











