Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga kapulisan kaugnay sa umano’y pagkakakuryente ng ilang mga estudyanteng kalahok sa isinagawang Bubble and Color Fun Run ng Cauayan South Central School sa Lungsod ng Cauayan nitong Sabado, Oktubre 3.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng Isabela Police Provincial Office, sinabi nito na masusing tinitingnan ng kanilang hanay kung mayroong negligence o pagkukulang sa panig ng mga organizer ng event at sa mismong operator ng ginamit na bubble machine.
Hindi rin isinasantabi ang mga posibleng rason ng pagkakakuryente ng mga biktima gaya na lamang ng ginamit na electrical extension chord na ginamit sa na na-expose sa mga bubbles.
Matatandaan na apat na indibidwal ang nakuryente kung saan dalawa sa mga ito ang nasawi.
Ayon kay PCapt. Topinio, kapag natapos na ang imbestigasyon at nakitaan ng kapabayaan o pagkukulang sa ilang indibidwal na nag organisa sa naturang event ay tiyak na mapapanagot ang mga ito.
Nanawagan naman siya sa publiko na iwasang magpakalat ng mga haka-haka kaugnay sa insidente, bagkus ay ipaubaya na lamang sa mga kapulisan ang imbestigasyon.











