--Ads--

Itinanggi ng mga awtoridad sa Russia na nagpatupad sila ng mga hakbang laban sa plague matapos maiulat ang pagkamatay ng isang laboratory worker sa Siberia.

Ayon sa Russian health watchdog, hindi kumpirmadong plague ang sanhi ng pagkamatay ng 28-anyos na laboratory worker sa Irkutsk region. Lumabas umano sa postmortem examination na pneumonia ang sanhi ng pagkamatay, ngunit hindi pa matukoy ang eksaktong dahilan.

Nauna nang iniulat na posibleng nahawa ang babae ng pneumonic plague matapos mabasag ang isang test tube sa laboratoryo, habang may ulat ding umabot sa 200 katao ang isinailalim sa quarantine dahil nakasalamuha siya.

Samantala, sinabi ng World Health Organization na walang kumpirmadong kaso ng plague sa Irkutsk at negatibo sa mapanganib na pathogens ang mga contact ng namatay.

--Ads--

Ayon sa WHO, mababa hanggang katamtaman ang panganib sa Irkutsk, mababa sa Russia, at napakababa sa iba pang bahagi ng Europe. Patuloy nitong mino-monitor at bineberipika ang sitwasyon.