--Ads--

Kinilala ng Guinness World Records ang isang lalaki sa Hungary matapos makalikom ng 2,000 magkakaibang lata ng energy drink mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Nakamit ni Gergo Borbely ang titulong “largest collection of energy drink cans” matapos ang halos dalawang dekada ng pangungolekta na nagsimula noong Agosto 2008.

Ayon kay Borbely, nagsimula ang kanyang koleksiyon matapos siyang bumili ng malamig na energy drink habang nakatira sa isang dormitoryo. Nagustuhan niya ito at nagsimulang mangolekta ng iba’t ibang lata at disenyo.

Mula sa unang 15 lata na itinabi niya, patuloy na dumami ang kanyang koleksiyon sa paglipas ng mga taon, kabilang ang mga nakalap niya mula sa Japan, United States at iba’t ibang bahagi ng Europe.

--Ads--

Kabilang sa mga pambihira niyang koleksiyon ang mga lumang lata mula pa noong dekada 1990 at isang lata na ginawa sa dating Yugoslavia, na aniya ay espesyal dahil hindi na umiiral ang bansang pinagmulan nito.

Sa kabila ng pagkamit ng Guinness World Records title, wala pa ring plano si Borbely na ihinto ang kanyang pangungolekta.