Mas ligtas at mas maayos na ngayon ang lugar para sa sports, school programs at iba pang aktibidad sa Cauayan City Stand Alone Senior High School (CCSAHS) matapos maisakatuparan ang 2,200-square-meter multi-purpose pavement project na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P1.35 milyon.
Isinagawa ang proyekto sa pamamagitan ng Adopt-a-School Program ng Department of Education o DepEd, sa suporta ng isang bangko bilang partner-donor.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay School Principal John Mina ng CCSAHS, sinabi niyang matagal nang ginagamit ang lugar bilang activity area ngunit limitado ang paggamit dito dahil sa dating kondisyon ng lupa na mabato, maputik kapag tag-ulan at maalikabok naman tuwing tagtuyot.
Ayon kay Principal Mina, malaking tulong ang konkretong pavement dahil maaari na itong gamitin para sa iba’t ibang sports, school programs at community activities.
Nagamit na rin umano ang pasilidad sa district meet at city athletic meet, gayundin sa training ng mga coach at officiating officials noong Setyembre.
Maaari rin itong magsilbing evacuation area tuwing drills at venue ng iba pang aktibidad ng paaralan at komunidad.
Tinatayang 3,500 learners at 150 teachers at employees ang maaaring makinabang sa proyekto.
Natapos ang konstruksyon noong Mayo hanggang Hunyo at agad nang nagamit sa pagsisimula ng klase. Nagpasalamat naman si Mina sa DepEd at sa mga pribadong katuwang sa pagsasakatuparan ng proyekto.
Umaasa ang paaralan na makatutulong ang bagong pasilidad sa pagpapaunlad ng kanilang mga atleta sa volleyball, basketball, lawn tennis at sepak takraw, habang nagbibigay ng mas ligtas na espasyo para sa buong school community.










