Iginiit ni Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III na kailangang patunayan ni Reina Mercedes Vice Mayor Harold Respicio ang mga alegasyon nito laban sa ilang barangay officials bago magkaroon ng kaukulang aksyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Albano, sinabi niyang hindi dapat agad humusga sa magkabilang panig at kailangang hintayin ang resulta ng imbestigasyon sakaling may pormal na reklamong ihain.
Binigyang-diin ni Gov. Albano na hindi dapat basta-basta tawagin na “magnanakaw” ang isang tao kung wala pang sapat na ebidensiya upang patunayan ang naturang alegasyon.
Ayon sa gobernador, kung may reklamo laban kay Vice Mayor Respicio, maaari itong ihain at daraan sa kaukulang proseso. Nilinaw niyang hindi agad nangangahulugan ito ng impeachment dahil kailangan munang magkaroon ng pormal na reklamo at imbestigasyon.
Samantala, sinabi pa niya na bibigyan niya ng benefit of the doubt ang magkabilang panig habang hinihintay ang resulta ng proseso.










