--Ads--

Nasawi ang isang welder matapos bumangga ang sinasakyan nitong Honda PCX sa isang Rusi motorcycle sa National Highway sa Barangay Diamantina, Cabatuan, Isabela, pasado alas-7 ng gabi nitong Oktubre 6.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Oneil Jay Dumayas, Chief of Police ng Cabatuan Municipal Police Station, sinabi niyang biglang sumulpot ang motorsiklo na sinasakyan ng magkapatid habang binabagtas ng biktima ang kalsada patungong San Mateo, dahilan upang maganap ang banggaan.

Ayon kay PMaj. Dumayas, residente ng Barangay Diamantina ang biktima at kagagaling lamang sa trabaho bilang welder nang mangyari ang aksidente. Pauwi na sana ito nang maganap ang banggaan.

Agad na isinugod sa Cabatuan Family Clinic ang tatlong sangkot sa aksidente. Gayunman, pumanaw nitong umaga ng Oktubre 7 ang rider ng Honda PCX dahil sa tinamong mga pinsala.

--Ads--

Samantala, nakapag-usap na ang magkabilang panig kaugnay ng nangyaring aksidente at sa magiging susunod na aksyon dito.

Dagdag pa ni PMaj. Dumayas, walang suot na helmet ang tatlong sangkot nang mangyari ang aksidente.

Sinabi rin ng hepe na wala umanong driver’s license at OR/CR ang dalawang sakay ng Rusi motorcycle kaya pinag-aaralan ng pulisya ang posibleng karagdagang reklamo laban sa mga ito, bukod sa paglabag sa helmet law.

Samantala, bumaba na umano ang bilang ng vehicular accidents sa Cabatuan mula sa 15 insidente noong nakaraang buwan.Hinimok naman ng opisyal ang mga motorista na tiyaking maayos ang kondisyon ng kanilang mga sasakyan at sarili bago bumiyahe, at iwasang magmaneho kapag nakainom, nahihilo o hindi nasa maayos na kondisyon.