Arestado ang isang 27-anyos na construction worker matapos masangkot sa isang buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba ng Cabatuan Municipal Police Station (MPS) sa Brgy. Saranay, Cabatuan, Isabela.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Jess,” may asawa at residente ng naturang barangay.
Batay sa ulat ng Cabatuan MPS, nagsagawa ng anti-illegal drug operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek matapos nitong umano’y magbenta ng hinihinalang shabu sa isang poseur-buyer.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagsilbing buy-bust item. Narekober din ng mga operatiba ang buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P1,000 bill at dalawang pirasong boodle money na tig-P1,000.
Bukod dito, nasamsam din ang isang P50 bill, isang lighter, isang susi, at isang asul na motorsiklo na may sidecar o mas kilala bilang kulong-kulong.
Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa himpilan ng Cabatuan MPS para sa kaukulang dokumentasyon at imbentaryo.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kanya.
--Ads--











