Kinumpirma ng Bureau of Internal Revenue o BIR sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na umabot sa P85.34 milyon ang pinagsamang net income nila ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio mula 2007 hanggang 2025.
Mas mababa ito ng halos P13.3 milyon sa P98.66 milyong net worth na idineklara ni Duterte sa kanyang 2025 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.
Ayon kay BIR Chief of Staff Atty. Anne Loraine Garcia-Marquez, ang halaga ay batay sa kanilang income tax returns matapos ibawas ang mga gastusin at buwis. Kinumpirma rin niyang may inilabas na Letter of Authority o LOA na may kaugnayan sa isa sa mag-asawa, ngunit hindi niya isiniwalat ang detalye dahil kumpidensiyal ito.
Sa presentasyon ng House prosecution, iginiit ni Atty. Erwin Matib na hindi tugma ang net income ng mag-asawa sa idineklarang yaman ni Duterte. Inakusahan din ng prosecution ang bise presidente ng patuloy na pagpraktis ng abogasya at pagtanggap ng professional fees habang nanunungkulan, batay sa mga rekord ng BIR.
Binanggit din ng prosecution ang umano’y hindi naideklarang cash at iba pang ari-arian ng mag-asawa. Batay sa mga financial statement na kanilang iniharap, umabot sa P21 milyon ang cash balance noong 2022, P28 milyon noong 2023, P15 milyon noong 2024, at P13 milyon noong 2025.
Gayunman, hindi pa inilalantad ng BIR kung sino sa mag-asawa ang sakop ng LOA, kung kailan ito inilabas, o kung may natuklasang kakulangan sa buwis.











