--Ads--

Patuloy na nagsasagawa ng validation ang Department of Social Welfare and Development Field Office 2 (DSWD Region 2) sa iba’t ibang barangay sa Rehiyon Dos upang matukoy ang mga senior citizen na maaaring maging benepisyaryo ng Social Pension Program for Indigent Senior Citizens (SPISC).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Regi0on 2 sinabi niya na layunin ng validation na matiyak kung pasok sa mga itinakdang pamantayan ng programa ang mga nakatalang senior citizen. Bukod sa pagberipika ng kanilang pangalan at mga dokumento, sinusuri rin ng DSWD ang aktuwal nilang kalagayan sa buhay.

Kabilang sa mga tinitingnan ang pagkakaroon ng ibang pensiyon o regular na pinagkukunan ng kita, gayundin ang kanilang kalusugan, pangangatawan at kung may kapansanan.

Ang mga pangalan ng posibleng benepisyaryo ay tinutukoy sa pamamagitan ng Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), na naglalaman ng impormasyong nakalap mula sa census at nagsisilbing batayan para sa karagdagang pagsusuri.

--Ads--

Para sa mga nakatatandang hindi kayang bumiyahe patungo sa lugar ng validation dahil sa edad o pisikal na kalagayan, nagsasagawa ng home visit ang validation team upang personal na masuri ang kanilang sitwasyon.

Isinasagawa ang aktibidad sa tulong ng mga lokal na pamahalaan, na tumutulong sa pakikipag-ugnayan sa mga barangay, pagtukoy sa mga posibleng benepisyaryo at pag-aayos ng validation activities.

Ayon sa DSWD Region 2, mahalagang makita ang tunay na kalagayan ng bawat senior citizen bago magpasya kung kwalipikado sila sa programa. Sa pamamagitan nito, layon ng ahensiya at mga katuwang na lokal na pamahalaan na matiyak na mabibigyan ng angkop na pagsusuri at konsiderasyon ang mga nakatatandang nangangailangan ng tulong.