Nagtamo ng fracture sa paa at iba pang pinsala ang isang senior citizen matapos mabangga ng isang motorsiklo habang tumatawid sa national highway sa Naguilian, Isabela, bandang alas-5:30 ng hapon kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Arvin Asuncion, Chief of Police ng Naguilian Police Station, sinabi niyang batay sa paunang impormasyon ng Naguilian Municipal Police Station, binabagtas ng motorsiklo ang outer lane ng national highway patungong Ilagan mula Cauayan nang biglang tumawid ang senior citizen patungo sa isang ospital.
Kasama ng rider ang isang angkas nang mangyari ang insidente at ayon sa rider, hindi umano nila napansin ang senior citizen habang tumatawid.
Dahil sa insidente, nagtamo ng fracture sa paa at iba pang injury ang senior citizen at patuloy na ginagamot sa ospital, habang minor injuries naman ang tinamo ng rider at kanyang angkas.
Patuloy ang imbestigasyon ng kanilang himpilan habang hinihintay ang pamilya ng senior citizen para sa pag-uusap ng magkabilang panig.
Samantala, pinaalalahanan ang mga motorista na mag-ingat at maging alerto, lalo na sa mga lugar na maraming pedestrian at malapit sa mga ospital.
Pinag-iingat din ang mga pedestrian at pinapayuhang tiyaking ligtas ang daanan bago tumawid.











