Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 na malinaw sa umiiral na guidelines na hindi na pwedeng tumanggap ng social pension ang mga senior citizen na mayroon nang existing pension mula sa ibang ahensiya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi nito na mayroon na silang ugnayan sa SSS at GSIS hinggil sa pagbibigay ng listahan ng kanilang mga benepisyaryo upang matanggal na ang kanilang pangalan sa mga tumatanggap ng social pension.
Nakiusap din siya sa mga Senior Citizen na sa una pa lang ay sabihin na nila kung sila ay pensioner ibang ahensya upang hindi na masali pa ang kanilang pangalan ngunit matatanggal din kalaunan kapag napatunayan na sila ay mayroon nang existing pension.
Nanawagan din ang ahensya sa kanila na idulog lamang sa kanilang tanggapan kung sakali mang mayroon silang kakilala na social pensioner na yumao na o di kaya’y hindi kwalipikado sa programa nang sa ganoon ay ma-validate at magawan ng karampatang aksyon.
Naiintindihan umano niya ang hinaing ng ilan na nasasayangan sa matatanggap sana nilang pension dahil maaari na itong gamitin sa ibang gastusin gaya ng maintenance na gamot, subalit iginiit ni Alan na kailangang sundin ang umiiral na guidelines.
Gayunman, mayroon naman umanong ibang programa ang DSWD na sumasaklaw sa pangangailangan ng gamot ng mga senior citizen gaya na lamang ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).











