Inimbitahan ng National Bureau of Investigation (NBI) si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte upang magbigay-linaw sa mga alegasyong inihain ng sinibak na pulis na si Rodulfo Gracioso.
Sa media advisory ng NBI, sinabi ng ahensya na mahalaga ang panig ng kongresista upang matiyak ang patas, masusi at walang kinikilingang proseso ng imbestigasyon.
Sa sinumpaang salaysay ni Gracioso, inakusahan niya sina Pulong Duterte, Vice President Sara Duterte at dating Pangulong Rodrigo Duterte na tumanggap umano ng mga bag na naglalaman ng pera mula kay dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Sa liham na may petsang Oktubre 5, inimbitahan ni NBI Director Melvin Matibag ang kongresista na dumalo sa kanilang tanggapan sa Oktubre 12. Kalakip din ng liham ang kopya ng sinumpaang salaysay ni Gracioso.
Pinahihintulutan ang kongresista na magsama ng abogado o kinatawan at magharap ng mga dokumento, rekord o pahayag na makatutulong sa paglilinaw ng mga isyung iniimbestigahan.
Una nang itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang mga alegasyon ni Gracioso, at sinabing pera at sama ng loob umano nito sa pamilya ni Velasco ang dahilan ng mga paratang. Nabatid din na magsusumite ang tanggapan ng bise presidente ng sarili nitong sinumpaang salaysay upang kontrahin ang mga alegasyon.











