Hindi humarap sa NBI nitong Lunes sina dating House Speaker Lord Allan Velasco at asawang si Rowena para tugunan ang imbitasyon kaugnay ng mga alegasyon ng umano’y “cash delivery” ni dismissed police officer Rodulfo Gracioso Jr.
Tatlong abogado ang dumating sa NBI headquarters sa Pasay City bilang kinatawan ng mag-asawa. Ayon kay Atty. Rowell Ilagan, humingi rin sila ng kopya ng affidavit ni Gracioso na naglalaman ng mga alegasyon laban sa kanilang mga kliyente.
Muling itinanggi ni Ilagan ang mga paratang at sinabing sasagutin nila ang mga ito sa tamang forum at panahon. Wala pang itinakdang bagong schedule ang NBI para sa pagharap ng mag-asawa.
Ayon kay Gracioso, naghatid umano siya ng mahigit ₱2 bilyon kay Vice President Sara Duterte, ₱1 bilyon sa dating Pangulo at ₱100 milyon kay Paolo Duterte, umano sa utos ni Velasco. Itinanggi naman ni Vice President Duterte ang mga alegasyon at sinabing hindi niya kilala si Gracioso.
Samantala, lumabas sa panibagong lie detector test ni Gracioso ang “no deception indicated,” ayon sa NBI.











