--Ads--

Dinagdagan ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ng pitong insidente ng pagpaslang na iniuugnay sa kampanya kontra droga ang kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa desisyong inilabas noong Oktubre 9, bahagyang pinagbigyan ng Trial Chamber ang kahilingan ng prosekusyon na magdagdag ng walong insidente sa kaso na inihain noong Agosto.

Ayon sa prosekusyon, saklaw ng mga kasong kinumpirma sa pretrial stage ng paglilitis ang mga karagdagang insidente.

Dahil dito, umakyat sa 56 mula sa dating 49 ang kabuuang bilang ng mga insidente ng pagpaslang na saklaw ng kaso.

--Ads--

Anim sa mga bagong insidente ang idinagdag sa Count No. 3, na tumutukoy sa mga pagpaslang sa ilalim ng tinatawag na “barangay clearance operations” sa Metro Manila noong panahon ng pagkapangulo ni Duterte.

Samantala, ang isa pang insidente ay idinagdag sa Count No. 2, na sumasaklaw sa mga pagpaslang sa mga tinaguriang high-value target mula Hulyo 2016 hanggang Hulyo 2017.

Bago nito, idineklara rin ng ICC Trial Chamber III na may kakayahan si Duterte na makilahok sa paglilitis sa kaniyang kaso.

Inaasahang haharap muli si Duterte sa korte sa status conference sa Oktubre 13, bago ang nakatakdang pagsisimula ng paglilitis sa Nobyembre 30.