Hiniling ng prosekusyon ng International Criminal Court o ICC sa Trial Chamber III na ibasura ang mosyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na limitahan sa 10,000 items ang mga ebidensiyang maaaring gamitin sa kanyang kaso.
Ayon sa prosekusyon, ang pagtatakda ng arbitraryong limitasyon ay maaaring magresulta sa hindi pagsasama ng mga ebidensiyang itinuturing nitong mahalaga sa paghahanda ng depensa.
Kabilang dito ang isang dataset na may 44,495 sa kabuuang 62,034 items na isiniwalat sa kaso at naglalaman umano ng impormasyon tungkol sa mga pagkamatay sa mga operasyon kontra droga noong panahon ni Duterte.
Giit ng prosekusyon, mahalaga ang dataset sa pagpapatunay sa alegasyon ng malawak at sistematikong pag-atake laban sa civilian population.
Sinabi rin ng prosekusyon na ilang paraan na ang inialok nito sa depensa upang mapamahalaan ang malaking dataset, ngunit tinanggihan umano ang mga ito.










