Posibleng magdesisyon ang ilang senador na hindi na pisikal na dumalo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Senator Robinhood Padilla, bunsod umano ng kanilang pananaw na lumilihis na ang proseso sa itinakda ng Konstitusyon.
Sa panayam sa dzBB, sinabi ni Padilla na maaaring pag-usapan ng mga senador mula sa minorya ang isang sama-samang hakbang na hindi na dumalo sa mga susunod na pagdinig ng impeachment trial.
Ayon kay Padilla, wala pa umanong pormal na usapan tungkol dito, ngunit maaari itong mangyari sa mga susunod na araw dahil sa mga aniya’y “nakagugulat na pangyayari” sa proseso ng paglilitis.
Ang pahayag ng senador ay kasunod ng kapansin-pansing pagbaba ng bilang ng mga senador na dumadalo sa ilang araw ng impeachment trial, kung saan ang ilan ay hindi na pumapasok sa session hall, habang ang iba naman ay dumarating nang huli o umaalis nang maaga.
Nauna nang sinabi ng impeachment court na maaaring subaybayan ng mga senador ang paglilitis mula sa kani-kanilang opisina.
Samantala, iginiit ni Padilla na kahit wala siya sa loob ng Senado sa ilang araw ng pagdinig, patuloy pa rin niyang sinusubaybayan ang mga pangyayari sa pamamagitan ng telebisyon.











