Nagsama-sama ang mga senior citizen mula sa iba’t ibang barangay ng Cauayan City sa pagdiriwang ng Elderly Filipino Week na ginanap sa F.L. Dy Coliseum ngayong araw, Oktubre 14.
Sa temang “Nakatatandang Pilipino: May Halaga at Karapatan, May Boses at Ambag sa Bayan,” layunin ng aktibidad na kilalanin ang mga karapatan, kakayahan at patuloy na kontribusyon ng mga nakatatanda sa kanilang pamilya at komunidad.
Nagkaloob naman ng libreng gupit, manicure, pedicure at masahe, gayundin ng health checkup at blood sugar screening bilang bahagi ng mga serbisyong pangkalusugan para sa mga dumalo.
Ipinakita naman sa livelihood and skills fair ang mga handicraft, artwork at iba pang produktong likha ng mga samahan ng senior citizen. Nagsagawa rin ng folk dance contest na nilahukan ng mga kinatawan mula sa Forest Region, East Tabacal, West Tabacal, Tanap at Poblacion Regions.
Tinalakay din sa information session ang mga proseso at kinakailangan sa pagkuha ng social pension, pati ang mga estratehiya sa pangangalaga ng kalusugang pangkaisipan at pagpapanatili ng malusog na pamumuhay sa pagtanda.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Patricia Tuppil, opisyal ng samahan ng mga senior citizen, ibinahagi niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sama-samang aktibidad para sa mga nakatatanda sa lungsod.











