--Ads--

Binigyang-diin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Region 2 ang kahalagahan ng cybersecurity awareness upang makaiwas ang publiko sa online scams at iba pang banta sa internet.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Maggy Gomez, Chief ng Technical Operations Division ng DICT Region 2, sinabi niyang mahalagang maging mapanuri ang mga internet user upang maprotektahan ang kanilang personal na impormasyon at online accounts.

Ayon kay Gomez, patuloy man ang pagbabahagi ng impormasyon tungkol sa cybersecurity, marami pa rin ang nabibiktima ng online scams, kabilang ang phishing o paggamit ng pekeng email, mensahe at website upang makuha ang sensitibong impormasyon ng mga target.

Pinayuhan niya ang publiko na suriin muna ang mga link at mensahe bago mag-click, huwag ibahagi ang password at one-time PIN (OTP), at gumamit ng matibay at magkakaibang password sa bawat online account.

--Ads--

Dagdag ni Gomez, nakatuon ang DICT sa pagpapalawak ng kaalaman ng publiko tungkol sa cybersecurity at hindi ito ang pangunahing ahensiyang nagpapatupad ng batas o tumatanggap ng mga reklamo kaugnay ng cybercrime.

Dahil dito, hinikayat niya ang publiko na lumahok sa mga cybersecurity awareness session upang higit na maunawaan ang mga panganib sa internet at ang mga hakbang para mapanatiling ligtas ang kanilang online activities.