Kinasuhan na ang limang lalaking suspek sa pagpatay sa 46-anyos na laborer ng National Irrigation Administration (NIA) sa Diadi, Nueva Vizcaya, at hinihintay na lamang ang kaukulang disposisyon ng piskalya sa kanilang kaso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Daryl Marquez, hepe ng Diadi Police Station, iniharap sa piskalya ang limang suspek ngayong Miyerkules, Oktubre 14, para sa inquest proceedings. Humiling umano ang mga ito ng preliminary investigation.
Ayon kay Marquez, kusang sumuko ang lahat ng suspek noong Lunes, Oktubre 12. Kabilang sa mga ito ang isang 28-anyos na lalaki na umaming unang sumuntok sa biktima, gayundin ang mag-amang umano’y sangkot sa insidente at dalawa pang lalaki.
Batay sa paunang imbestigasyon, isa sa mga suspek ang umano’y nag-untog sa ulo ng biktima sa semento, habang nagkasundo rin silang ibaon ang bangkay gamit ang backhoe na ginagamit sa proyekto ng road concreting sa NIA watershed sa Escoting, Diadi.
Hindi kasama sa limang suspek ang asawa ng backhoe operator, na plano ring sampahan ng kaso dahil sa umano’y pagkuha ng video habang isinasagawa ang krimen. Ayon sa mga suspek, ginamit umano ang video bilang panakot sakaling may magsumbong sa pulisya.
Sa ngayon, hinihintay na lamang ang kaukulang disposisyon ng prosecution office kaugnay sa kaso.











