Inihatid na sa kanyang huling hantungan ngayong Miyerkules, Oktubre 14, ang walong taong gulang na batang lalaki na nasawi matapos makuryente sa isinagawang Bubble and Color Fun Run sa Cauayan South Central School sa Cauayan City, Isabela, noong Oktubre 3.
Bago ang libing, nagtungo muna ang pamilya ng bata sa Our Lady of the Pillar Parish Church para sa isang maikling seremonya. Pasado alas-otso ng umaga nang dumating ang pamilya kasama ang mga kaanak at iba pang nakikiramay.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang mga kapitbahay, kaibigan at iba pang kakilala ng pamilya sa gitna ng kanilang pagdadalamhati sa sinapit ng bata.
Matapos ang seremonya, nagtungo ang prusisyon sa isang pribadong sementeryo sa Barangay San Fermin, Cauayan City, kung saan inilibing ang bata.
Matatandaang dalawang mag-aaral ang nasawi habang dalawa pa ang nasugatan matapos umanong makuryente sa naturang aktibidad noong Oktubre 3. Batay sa mga naunang ulat, nangyari ang insidente sa lugar na pinagdausan ng bubble activity matapos ang fun run, kung saan apat na bata ang naapektuhan at isinugod sa mga pagamutan.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente, kabilang ang posibleng problema sa mga kable at kagamitang ginamit sa aktibidad, upang matukoy ang eksaktong sanhi at kung may naging pagkukulang sa mga organizer ng naturang aktibidad.











