--Ads--

Kasalukuyang isinasagawa ang open forum sa Dagyaw Town Hall Meeting sa F.L. Dy Coliseum sa Cauayan City ngayong Huwebes, Oktubre 15, kung saan nabibigyan ng pagkakataon ang publiko na magtanong, magbahagi ng pananaw at talakayin ang mga programa at serbisyo ng pamahalaang lungsod.

Bahagi ang aktibidad ng Philippine Open Government Partnership (PH-OGP), na naglalayong itaguyod ang bukas na pamamahala at aktibong pakikilahok ng mamamayan sa mga usaping pampubliko.

Bago ang open forum, nagbigay ng mensahe ng suporta sina Reynaldo R. Villon, Acting Chief Budget and Management Specialist ng Department of Budget and Management (DBM) Region 2, at Engr. Corazon D. Toribio, CESO V, Provincial Director ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Isabela.

Ipinaliwanag naman ni Jay Lord Dela Cruz, program focal person, ang mekanismo ng talakayan at ipinakilala ang mga tagapagsalita sa aktibidad.

--Ads--

Sa kanyang presentasyon, binigyang-diin ni Mayor Caesar S. Dy Jr. ang kahalagahan ng paglalapit ng mga programa at serbisyo ng pamahalaan sa mga mamamayan, partikular sa mga nahihirapang makakuha ng mga kinakailangang serbisyo.

Kabilang sa mga itinampok na programa ang Una Ka Dito: City Hall on Wheels o SUKD, na naglalayong dalhin sa mga barangay ang mga serbisyo ng pamahalaang lungsod.

Ilan sa mga serbisyong iniaalok sa ilalim ng programa ang medical at dental check-up, libreng gamot at social welfare assistance.

Sa pamamagitan ng open forum, nabibigyan ng pagkakataon ang mga dumalo na magtanong at magbigay ng mga mungkahi hinggil sa mga programa at serbisyong maaaring makatulong sa kanilang mga komunidad.

Layunin ng Dagyaw Town Hall Meeting na palakasin ang ugnayan ng pamahalaan at publiko sa pamamagitan ng bukas na talakayan, transparency at mas malawak na kaalaman ng mamamayan sa mga programa at serbisyo ng lokal na pamahalaan.