Inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Cauayan ang kauna-unahang Barangay Citizen’s Charter 2026 at ipinakilala ang opisyal na website ng lungsod sa isinagawang Dagyaw Town Hall Meeting sa F.L. Dy Coliseum nitong Huwebes, Oktubre 15.
Layunin ng Barangay Citizen’s Charter na gabayan ang mga mamamayan sa pagkuha ng serbisyo sa kanilang barangay, kabilang ang mga kinakailangang dokumento at hakbang sa pagproseso ng mga kahilingan.
Saklaw nito ang pag-iisyu ng mga sertipiko at clearance, paggamit ng mga pasilidad ng barangay, at mga serbisyong panlipunan at pangkabuhayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Melvin Sarandi, mahalaga ang Citizen’s Charter upang maging malinaw sa mga residente ang mga serbisyong maaari nilang makuha sa kanilang barangay.
Samantala, inaasahang magsisilbing sentral na mapagkukunan ng impormasyon ang opisyal na website ng Cauayan City tungkol sa mga ordinansa, patakaran, dokumento, at iba pang serbisyo ng pamahalaang lungsod.
Sa pamamagitan ng mga inisyatibang ito, layunin ng lokal na pamahalaan na palawakin ang access ng publiko sa impormasyon at palakasin ang transparency, accountability, at pakikilahok ng mga mamamayan sa pamamahala.











